Written by Rilke Arguelles
Tatlong mag-aaral ng Malikhaing Pagsulat at miyembro ng Kuwit mula sa ika-10 baitang ang nakatanggap ng pagkilala sa labas ng paaralan noong nakaraang taong panuruan 2020–2021 para sa kanilang mga akdang tula at dagli sa parehong Filipino at Ingles.
Sa kategoryang Ingles, nagwagi ng unang gantimpala sa Virtual Spoken Poetry Contest ng Marinduque North Rotary Club ang tulang pinamagatang “I Ate Today” ni Pau Villaruel. Ginawaran si Villaruel noong ika-24 ng Setyembre 2021 sa isang simultaneous Facebook live stream, kung saan nakatanggap ang unang gantimpala ng premyong P2,500, ang ikalawang gantimpala ng P1,500, at ang ikatlong gantimpala ng P1,000. Naging bukas ang patimpalak sa lahat ng mag-aaral mula ika-10 hanggang ika-12 baitang.
Pinangalanan naman bilang isa sa limang pinakamahusay na dagli ang “Merienda” ni Ril Arguelles sa Sahaya: Timpalak Pampanitikan (STP) 2021 ng UP Sentro ng Wikang Filipino – Diliman (SWF–UPD) bilang bahagi ng kanilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika noong nakaraang taon. Kinikilala ang STP bilang unang timpalak pampanitikan ng SWF–UPD, at itinampok ang mga akdang nagwagi at shortlisted sa antolohiyang Sahaya na kabilang sa lunsaran ng 12 libreng aklat at pagkilala na idinaos sa Zoom noong ika-31 ng Agosto 2021. Naging bukas sa lahat ng edad ang timpalak, at matatagpuan ang libreng kopya ng antolohiya sa opisyal na website ng SWF–UPD sa kanilang Aklatang Bayan.
Kabilang din ang akdang “Hiwa sa Dila” ni Vee Cuevas sa Pride Series 5 ng samahang UPLB Babaylan bilang pagdiriwang ng Pride Month noong Hunyo 2021. Gamit ang bibig at dila bilang isang lugar ng parehong aliw at trauma, ang dagli ni Cuevas ay isang pagtuklas sa pananaw ng isang closeted na batang babae. Matutunghayan ang kanyang pagbasa sa opisyal na Facebook, Twitter, at Instagram page ng UPLB Babaylan, at sa opisyal na Facebook at Instagram page ng Kuwit, ang kolektibo ng mga mag-aaral ng malikhaing pagsulat sa ilalim ng Philippine High School for the Arts (PHSA).
Sina Villaruel, Arguelles, at Cuevas ay mula sa Batch Manuel Conde – Eddie Romero (Coro), isa sa dalawang recitalist batches ngayong taong panuruan 2021–2022. Abangan ang kanilang mga pagtatanghal sa darating na buwan ng Hunyo.
Comments