Sulat nila Ril Arguelles at Sophia Beatriz Reyes
Isang estudyante ng Sining Panteatro mula sa ika-10 baitang ang umarte sa dalawang pelikula sa loob ng isang taon. Kilala sa palayaw na “AIR” ng nakararami, gumanap si Allen Salazar bilang Patrick sa Rizal’s Pen ni Nicolas Pichay, at Ramir naman sa Adarna Gang ni Jon Red.
Ang Rizal’s Pen ay isang 45-minute film tungkol sa pagkakatuklas ng bidang si Patrick ng kahalagahan ng mga kasulatan ni Rizal sa kasalukuyan panahon, habang ang Adarna Gang naman ay umiikot sa paghihiganti ni Adriana sa pamilyang pumaslang sa kanyang ama, partikular sa magkakapatid na Juan, Pedro, at Diego. Sa isang panayam kasama si Salazar, naibahagi niya ang ilang mga danas na bago para sa kanya bilang baguhang aktor sa mas malawak na plataporma.
Malaking bagay na ang maimbitahan sa isang proyekto, at lalo naman kapag ang mga kasama rito ay kilala na rin sa larangan. Ganito rin ang naramdaman ni Salazar sa pagtatrabaho sa Adarna Gang, na kung saan nakasama niya ang ilang aktor tulad nina Ronnie Lazaro, Shamaine Buencamino, at Coleen Garcia.
Ikinuwento rin ni Salazar ang kanyang kaba sa umpisa dahil “magkakasama sila sa isang frame” at ang tuwa niya nang malamang kilala rin siya ng mga katrabaho at ang kanyang nanay na si Sheenly Gener, na isa ring aktor.
Sa kabila naman ay mainit rin ang pagsalubong kay Salazar bilang nag-iisang Ibarang na nag-aaral sa Makiling sa produksyon ng Rizal’s Pen. Madalas itong tawaging Ibarang reunion dahil sa dami ng alumni na nagtrabaho rito. “Nakakakaba, at saka nakaka-proud para sa’kin”, sambit niya.
Sa loob ng apat na taong panghahasa ni Salazar ang kanyang mga kakayahan sa pag-arte sa entablado, ibinahagi rin niya ang ilang pagkakaiba at pagkakatulad sa kanyang naging proseso ng pag-arte sa pelikula. Ayon kay Salazar, nagkaroon siya ng hyper-awareness sa pagkilos at pagtingin habang taping ng Adarna Gang lalo pa’t limitado ang sakop na kuha ng kamera; di tulad sa entablado kung saan kita ang buong katawan, kinailangan niyang tiyakin na higit na sadya at sakto ang kanyang bawat kilos sa ginagawa.
Nabanggit niya ring bagamat naging halos pareho lang ang kanyang pag-usisa sa script ng pelikula at sa script na panteatro, nakaharap pa rin siya ng kaunting pagsubok: matapang ang kanyang karakter sa Adarna Gang na si Raul, at ito rin ang pinakabata sa mga tauhan sa kwento. Gayunman, si Raul rin sa huli ang nagdala ng hangin ng takot at balisa sa istorya. “Medyo heavy yung character niya,” ani Salazar nang pinagninilayan niya ang tauhan pagkatapos niya itong panoorin, subalit nakaraos naman sa lubusang tiwala ng direktor sa kanyang mga aktor.
Nakatagpo naman si Salazar ng ginhawa sa tauhan ni Patrick sa Rizal’s Pen. “Pinakamadali is maging ako lang din, pero with a twist.” Ayon kay Salazar, si Patrick ay isang matanunging bata na umaasang makamit ang [best] niyang sarili, gayundin ay isang vlogger sa nasabing pelikula. Lubos umano ang naging paghanga at pagkatuto ni Salazar matapos isabuhay ang karakter na ito.
Bilang pagwakas sa pagkuwento ng kanyang mga naranasan sa pagtrabaho sa dalawang pelikula, nabanggit din ang halaga ng Rizal’s Pen at Adarna Gang, na parehong pinaglalaruan ang ilan sa mga pinakatanyag na piyesa sa panitikan at sa kasaysayan ng Pilipinas.
“I’m thankful na nakakapag-arte ako, at mayroon akong inaambag [na sining] sa mga tao”, pagpalagay ni Salazar. Nagpasalamat din siya para sa kanyang mga koneksyon at sa pagkakataong pagbutihin ang kanyang kasanayan sa mga proyektong ito.
Naging limitado ang streaming ng Rizal’s Pen sa Facebook, ngunit ang Adarna Gang ay kasalukuyang mapapanood sa Vivamax.
Comments